"Sa halip na diploma, umiiyak at nakalampin na trophy ang aking inuwi sa aming bahay at ibinigay sa aking mga magulang. Dahil sa aking maagang pagbubuntis nang ako ay labingsiyam na taong gulang pa lamang, tila naglaho ang pag-asa kong maiahon ang aking pamilya sa kahirapan. Ang aking ama ay isang tricycle driver habang ang aking ina naman ay isang housewife. Parehas kaming hindi nakatapos ng pag- aaral ng aking asawa. Wala kaming kahit ano. Doon ko na-realize kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng isang college degree. Doon ko mas ginustong maabot ang aking pangarap na matapos ang aking pag-aaral at maging isang career woman. Sa awa ng Diyos, nagbukas ang isang programa na nagbigay sa akin ng pag-asa at nagbigay daan sa akin para maging iskolar. Kinailangan kong iwan ang aking mag-ama sa Antique upang makapag-aral sa Capiz. Maayos naman ang buhay pati ang aking pag- aaral pero dumating ang araw na kinailangan naming maghiwalay ng aking asawa. Lubos akong nasaktan at nahirapan dahil kinailangan kong maging matapang para sa aking anak. Ngayon, ako ay magtatapos na sa kolehiyo. Malaki ang pasasalamat ko dahil ako ay naging iskolar at gayundin, malaki ang pasasalamat ko sa Free Tuition dahil ito ang kaagapay naming mahihirap para guminhawa ang aming buhay. Ako ay nagmahal at nasaktan. Ngunit para sa akin, hindi pagkakamali na pinili ko ang oportunidad na mag-aral dahil ngayon, mas kaya ko nang mabigyan ng magadang buhay ang aking anak at ang aking pamilya." --- Joanna Marie Vicedo, 4th Year Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management, Capiz State University    

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved