“Hindi ko na mabilang kung ilang mga beauty pageant ang nasalihan ko. Grade 6 pa lang kasi ako sumasali na ako sa mga pageant dahil yun ang pinakamadaling paraan para kumita ng pera para matulungan ang pamilya ko.


Pito po kaming magkakapatid at pangatlo ako. Si tatay, tricycle driver habang si nanay naman ay nasa Maynila, tumutulong sa business ng auntie ko. Nagta-trabaho na po yung dalawa kongnakakatandang kapatid pero highschool lang po ang ang natapos nila, kaya kung papalarin po ako, ako po ang unang makakapagtapos ng kolehiyo sa pamilya namin.


Noon pa man, hirap na talaga kami sa pera. Sabi nga ng mga magulang ko, huwag na raw ako magkolehiyo dahil hindi na nila kayang tustusan ang pag-aaral ko kasi kahit ano daw ang gawin namin hindi kami makakakuha ng pang tuition. Pero kahit alam kong mahirap hindi po ako pinanghinaan ng loob dahil pursigido po talaga ako na makapagkolehiyo. Gusto kong iangat mula sa kahirapan ang aking pamilya kaya nagsikap po talaga ako na matustusan ang pag-aaral ko sa paraang alam ko.


Highschool pa lang natuto na akong rumaket dahil sa hirap ng buhay. Ngayong college, bukod sa pagiging CHED scholar, kabi-kabila rin ang mga sideline ko. Sumasali ako sa mga beauty pageant at nagho-host din sa mga iba’t-ibang okasyon. Kayod lang nang kayod dahil masaya naman ako sa ginagawa ko tapos nakakatulong pa ako sa pamilya ko. Swerte naman ako na suportado ako ng pamilya ko sa mga ginagawa kong pagsali sa mga pageants, sabi nga ng tatay ko basta masaya ako sa ginagawa ko at nag-aaral ako ng mabuti, walang problema.


Sa awa ng Diyos, dahil sa perang kinikita ko, natutustusan ko naman ang mga pangangailangan ko habang tumutulong din sa gastusin sa bahay. Inspirasyon ko ang aking pamilya kaya hindi ako sumusuko. Gusto ko talagang makapagtapos upang matulungan ang mga kapatid ko na makapag-aral. Pangarap ko talagang maging isang beauty queen pero una sa lahat, gusto ko munang makitang makapag-aral at makatapos din sa kolehiyo ang mga nakababata kong kapatid.


Sobrang saya ko po noong nalaman ko na magiging libre na ang tuition at miscellaneous fee sa mga state colleges at universities dahil alam kong napakaraming estudyante at magulang ang matutulungan nito. Napakalaking bagay talaga ito para sa aming mahihirap. Katulad ko, mas mabilis na namin maaabot ang aming mga pangarap dahil makakapagtapos na kami ng kolehiyo.


Ang payo ko para sa mga katulad ko na naghihirap, huwag kayo sumuko sa buhay. Huwag kayo tumingin sa negatibong side ng buhay natin. Kahit mahirap, kahit mukhang imposible, kailangang magtiwala lang. Dapat lang kumilos tayo at maging matatatag ang loob na harapin ang problema sa buhay. Sabi ko nga sa sarili ko, kung ang iba ngang tao nagtitiwala sa akin, bakit hindi ko pagtitiwalaan ang sa sarili ko? Laban lang!”

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved