“Tuwing nakikita ko ang Papa ko na nahihirapan sa pagtatrabaho para lang makapagtapos ako ng pag-aaral, tumutulo na lang ang luha ko dahil sa awa sa kanya. 63 years old na ang Papa ko at isa po siyang magsasaka. Kahit hirap na hirap na siya sa pagtatrabaho, ayaw niya akong mag working student dahil gusto daw po niya na mag focus lang ako sa aking pag-aaral. Taga Basilan po ako pero pinili ko po na dito sa Zamboanga City mag college pero madalas naman po akong umuuwi sa amin sa Basilan para bisitahin si Mama at Papa. Yung Mama ko po ay housewife pero siya din po yung katulong ni Papa sa pagtatanim sa bukid at nag-aasikaso sa bahay, kaya tulad ni Papa, pagod din po maghapon si Mama. Yung isa ko pong kapatid ay nakapagtapos naman ng kolehiyo pero nag-asawa po agad siya kaya hindi na rin po siya nakapagtrabaho para makatulong sa aming pamilya. Bukod sa pagiging katiwala sa bukid, nagtatanim din po si Papa ng kamote at mais para may maibenta kami para pangdagdag sa gastusin. Nagpupukpok din po siya ng bato para maibenta sa mga gumagawa ng buildings sa Basilan. Naaawa po talaga ako sa mga magulang ko kasi matanda na po sila pero hanggang ngayon nagtatrabaho pa rin sila. Pero kahit gusto ko po talagang tumulong, wala po akong magawa dahil ang gusto lang ni Papa ay mag-aral lang ako, kaya po sinasabi ko na lang sa sarili ko na magsisikap talaga akong mag-aral nang mabuti upang makahanap ng maayos na trabaho pagka graduate ko, para naman habang buhay pa ang mga magulang ko, makita nila yung success ko sa buhay. Ang sabi nga ni Papa, ok lang na pagod siya, kahit gumising pa siya ng 5am at umuwi ng 5pm araw-araw, basta nakikita niya na lang na nag-aaral ako ng mabuti at mataas ang grades ko okay na, dahil nakakawala na daw yun ng pagod niya. Noong nalaman po namin ang tungkol sa free tuition, tuwang-tuwa po si Papa kasi konti na lang daw ang babayaran niya at mababawasan kahit papaano ang isipin niya. Kahit po kasi may scholarship ako sa school, malaki pa rin po ang binabayaran namin sa miscellaneous fee. Gusto ko po talaga makapagtapos dahil gusto ko iahon mula sa kahirapan ang pamilya ko. Sila talaga ang inspirasyon ko sa buhay kaya nagsisikap ako sa pag-aaral dahil ayaw ko rin na minamaliit kami ng mga kamag-anak namin at ng ibang mga tao dahil lamang sa mahirap kami. Sabi nga nila, education is the key to success at naniniwala po ako doon."   - Ian Andajao, 19 yrs old, 3rd year B.S. Education Major in English, Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology.

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved