“Maraming trabaho pero konti lang ang kwalipikado, kaya kahit kapos sa pera, nagsisikap talaga akong makatapos ng kolehiyo para mas maraming oportunidad para sa akin. Walo po kaming magkakapatid pero dahil sa hirap ng buhay, sa tita ko ako nakikitira para tumulong sa pagbabantay ng tindahan nila. Si nanay ay namamasukan bilang katulong habang si tatay naman ay nakaka extra minsan bilang construction worker pero bihira lang po dahil sumasakit ang paa niya dahil sa arthritis. Yung isang ate ko po ay nakapagtapos ng pag-aaral pero dahil nakapangasawa ng maaga, hindi na rin po siya nakapagtrabaho kaya hindi rin naman po namin siya maaasahan pa na makatulong sa amin. Highschool pa lang po ako noong nakitira ako sa tita ko. Tumutulong ako sa pagbabantay ng tindahan nila at kapalit nun, siya po ang nagpaaral sakin. Pagka-graduate ng highschool, tumigil ako ng isang taon dahil kapos po talaga sa pera. Ginugol ko na lang ang panahon ko sa pagbabantay ng tindahan, hindi po ako sumasahod dahil sabi ko sa tita ko ipunin na lang yung dapat pampasahod sa akin para balang araw ay makapasok ako sa kolehiyo. Noong nakatuntong na po ako ng first year college, swerte po na naging Barangay Scholar ako, hindi po siya full scholarship pero malaking tulong na din po iyon para sa aking pag-aaral. After ng scholarship ko sa barangay, naghanap pa ulit ako ng ibang possible scholarship para maitaguyod lang ang pag-aaral ko. Masaya po ako na magiging libre na ang tuiton at miscellaneous fees sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo dahil malaki talaga ang maitututulong nito lalo na para sa mga susunod na henerasyon. Kahit 4th year na po ako, masaya pa rin po ako dahil makakasiguro na ang mga nais mag-aral na makakapagtapos sila at hindi na nila kailangan pang maranasan yung mga naranasan kong paghihirap para lang makapag kolehiyo. Iyong lagi ka na lang kabado every semester dahil hindi mo alam kung kanino ka uutang para lang makapag enroll sa susunod na sem. Para sa akin, importante po talaga na makapagtapos ng kolehiyo. Sa panahon po kasi ngayon, napakaimportante talaga na maging degree holder ka dahil mas maganda ang mga opportunities para sa mga college graduates. Marami nga pong available na trabaho diyan pero isa po sa qualifications na hinahanap nila ay dapat graduate ka ng four year course. Mas malaki rin po yung chance na mas mataas ang sahod na makukuha ko at mas matutulungan ko ang pamilya ko at tita ko na nagsikripisyo po para sa aking pag-aaral. At kahit makapatapos na po ako ng Industrial Technology, kukuha po ako ng ‘methods’ para maisakatuparan ko pa rin po ang pangrap ko na maging guro.”

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved