Paano mo pagkakasyahin ang Php100 kada araw sa apat na magkakapatid? Mahirap pero kinaya ng nanay ko, kinaya namin. Apat kaming magkakapatid at si nanay na lang ang tumataguyod sa amin mula nang nawala si tatay. Baby sitter ang nanay ko pero dahil hindi sapat ang kita niya para sa aming apat na magkakapatid, Highschool pa lang ako ay natuto na akong tumulong sa gastusin sa pamamagitan ng pagbebenta at pagtatahi ng mga damit ng mga kaklase ko. Hindi na dapat ako makakatuntong pa ng kolehiyo dahil apat na kaming nasa college. Alam naman natin na mahal ang pagpapaaral sa kolehiyo at hindi na kami kaya pang tustusan ni nanay. Pero dahil gustong-gusto ko talagang mag-aral, nag-apply ako ng scholarship sa theater. Sa awa ng Diyos ay nakakuha ako ng full scholarship, libre na ang tuition ko pero malaki pa rin ang gastos ko dahil sa miscellaneous, local fees at iba pa.
Alam kong hirap na hirap na ang nanay ko pagkasyahin ang kita niyang Php100 araw-araw para sa aming lahat kaya nagsa-sideline din siya bilang mananahi, labandera, at halos lahat na ng possibleng trabaho para makatulong sa aming gastusin.
Maraming nagsasabi na ambisyosa daw ang Nanay ko kasi wala na nga kaming makain tapos nangangarap pa siyang pag-aralin kaming lahat. Pero dahil Superwoman talaga si Nanay, binalewala niya yung mga sinasabi ng iba at mas nagpursigi pa siya na makapag-aral kami. Sinasabi ng Nanay namin na gusto niya kaming makapagtapos para hindi kami mahirapan in the future. Gusto niya na maabot namin ang aming mga pangarap.
Kaya kaming magkakapatid gumawa kami ng paraan para makatulong kay Nanay. Humanap ako ng mga pwedeng sideline. Nag freelance make-up artist, host at facilitator ako. Nag part-time din ako sa Jollibee pero hindi kinaya ng katawan ko kaya kinailangan kong tumigil. Noong umayos ang pakiramdam ko ay nagtrabaho ulit ako for 7-8 months sa isang restaurant para makaipon ng pang enroll. Sa awa ng Diyos ay nakapagtapos na si Kuya, in God’s will, ako naman sa darating na Marso. Dumating din sa punto dati na naiisip ko na huwag na bumalik sa eskwelahan kasi pinanghihinaan na ako ng loob pero naisip ko na mas matutulungan ko ang pamilya ko kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral dahil magkakaroon ako ng mas magandang trabaho. Ang masasabi ko lang sa mga estudyante na nahihirapan na itaguyod ang kanilang pag-aaral dahil sa kahirapan -- napakaswerte niyo dahil magiging libre na ang tuition ngayon. Dapat magtiyaga lang talaga kayo. Lahat naman tayo may fair share ng paghihirap. Pero matatapos din yan. Sabi nga nila, if it's not yet happy, it's not yet the ending.  

Flor Abunin, 23 yrs old, 4th year, BS Psychology, Western Mindanao State University

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved