"Okay lang sa akin na walang laman ang tiyan ko, basta ang importante may laman ang utak ko. Lima kaming magkakapatid pero dahil sa sobrang hirap ng buhay, pinaampon yung isa kong kapatid nung elementary ako. Si tatay lang ang nagtatrabaho noon dahil may sakit sa pag-iisip ang mama ko. Noon, nakakakain lang kami ng masarap na pagkain kapag nagdadala si tatay ng pagpag na manok. Nung pumapasok ako ng elementary, dalawang notebook at isang pudpod na lapis lang ang gamit ko sa pag-aaral. Pero kahit ganun, nagsikap talaga ako na makapag-aral. Naaalala ko noong bandang 2005, pagkauwi ko mula eskwelahan, dinedemolish yung bahay namin. Akala ko hindi na talaga ako makakapag-aral nun. Yung mga kapatid ko, tumigil din sila sa pag-aaral para tumulong kay tatay. Sa awa ng Diyos, kahit hirap na hirap kami, nakagraduate pa rin ako ng grade 6. Yung sampung piso na baon ko, iniipon ko na lang at binibigay ko kay tatay para may pambili kami ng bigas. Pagtungtong ko ng 3rd year Highschool, laking dagok na naman dahil nagsara yung kumpanya na pinagtatrabahuhan ni tatay. Pero hindi talaga ako pinabayaan ni Lord, dahil sa pamamagitan ng isang kakilalang pastor, nakapag-fourth year ako at nakapagtapos ng Highschool. Bago mag-college, dahil malaki-laki ang kailangan sa tuition, nagtrabaho muna ako upang maka-ipon. Kapag may kulang, inuutang ko muna sa mga kaibigan ko. Napakahirap mag-aral lalo na't walang laman ang tiyan, pero lagi kong sinasabi sa sarili ko na okay lang na walang laman ang tiyan ko basta busog naman sa kaalaman ang utak ko, at iyon ang mahalaga para sa akin. Nung 3rd year, nalaman ko sa kaibigan ko yung free tuition at miscellaneous fee sa kolehiyo. Sobrang laking tulong talaga ito sa akin at sa aking pamilya. Mas nakakaluwag na kami ng konti ngayon. Dahil dito, wala nang hahadlang na makapagtapos ako ng kolehiyo. Iba-iba tayo ng karanasan, dalamhati at pasanin sa buhay pero iisa lang ang goal natin, at iyon ang makapagtapos tayo dahil yun ang paraan upang maahon natin ang ating pamilya sa kahirapan."   -- Mylene Abelgas, 3rd year BS Education, University of Rizal System - Rodriguez

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved