"Dahil sa aking karanasan para lang makatapos ng pag-aaral,natutunan ko na ang buhay ay parang karera. Hindi mahalaga kung sino yung naunang nakatapos. Ang mahalaga ay sa bawat pagkadapa at pagkabagsak mo, matuto kang bumangon at tapusin pa rin ang karera hanggang makarating ka sa pangarap mo. Nung nag-umpisa po ako mag-aral ng elementary, marangya ang pamumuhay namin dahil seaman si tatay. Lahat ng kaginhawaan, nakukuha naming magkakapatid. Bagong polo, bagong shorts, may lunch box na puno ng baon, at nag-aaral sa private school. Pero noong tumigil sa pagbabarko si tatay, nagbago po ang lahat. Naghirap kami. Nalipat po kami sa public school at namuhay na isang kahig isang tuka. Walong taon ako sa highschool dahil sa patigil-tigil ako ng pag-aaral dahil sa kakapusan sa sa pera. Naranasan namin lahat ng trabaho sa bukid, mula sa paggapas, pagtatanim at pagbubuhat ng palay sa halagang P30 pesos na sweldo. Naranasan din namin na mamitas ng sampalok kahit bumabagyo para lang may makain. Lahat ng laman ng bahay namin, nawala. Binenta yung ref, TV, hanggang isang bumbilya na lang ang natira. Kumbaga sa isang iglap, biglang naghirap kami. Noong namatay yung tito ko, binenta yung bahay at lupa niya at nagkaroon ng parte sa pera ang tatay ko, kaya nakapag highschool kaming magkakapatid. Sabi ko sa sarili ko, ayaw ko na ulit maghirap kaya magtatrabaho agad ako pagkatapos ng highschool. Pero pagka-graduate nung dalawa kong kapatid, naubos ulit yung pera namin. Third year high school ako nun. Yung nanay ko, laging pumipila para sa promissory note para lang makakuha ako ng exam. Akala ko hindi na ako makakapasok ng 4th year. Pero sa awa ng Diyos, pinagbigyan ako ng eskwelahan na mag 4th year at grumaduate. Pagkatapos ng Highschool, nagpaubaya muna ako sa dalawa kong kapatid na mag-aral kasi kung magsasabay-sabay kami, walang makakatapos saa amin. Nagtrabaho muna ako. Nag-working student din yung mga kapatid ko. Nang maka-ipon, pumasok na ako ng College. Sinubukan kong mag-apply noong second year sa scholarship ng CHED at sa awa ng Diyos, nakapasa ako. Nagkaroon ako ng onting allowance at nakapagpundar ng bike. Yun yung ginagamit ko ngayon upang makapunta at makauwi galing sa school. Ngayon, nakatapos na yung dalawa kong kapatid at engineer na sila. Para sa akin, importante po talaga na makapagtapos ng pag-aaral para makakuha ng magandang trabaho at para hindi basta-basta maliitin ng ibang tao. At ngayon po, dahil sa mga naging karanasan ko kahit ilang beses pa akong bumagsak at madapa, tuloy po akong babangon para sa pangarap ko sa pamilya ko, sa ibang tao at upang makatulong pa sa maraming tao." -- Mark Donald San Diego, 3rd yr. BS Tourism, Bulacan State University, Hagonoy Campus

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved