Susana Tacasan

"Mga mangingisda kami pero minsan may tinatanggap kaming paunti-unti mula sa simbahan. Kasi sa probinsya, nagtatanim lang naman kami basta makakain at makapag-aral, sapat na iyon. Kaya iyong katuwiran lang namin, kailangang makapag-aral ang mga bata. Apat ang anak ko, pero dalawa lang ang nag-aaral. ‘Yong dalawang nakatatanda, hindi na nakapag-kolehiyo - may kanya-kanyang asawa na rin. ’Yong pangatlo ko, 21 years old, pero 1st year college palang sa RMTU, Automotive ang course. Tapos ‘yung bunso, 17 years old, grade 11 sa private, at gusto maging teacher. ‘Yong anak kong nasa RMTU, kinailangan munang tumigil noong nakatapos siya ng high school. “Paano kami kung hindi kami makakapagtapos?” tanong niya sakin. Sabi ko, “Sige, pagtiyagaan natin.” 2 years kaming nag-ipon at nag-tiyaga, nagtrabaho rin siya, para lang makapag-aral na. Tapos, laking gulat at pasasalamat namin noong mag-eenroll para first sem netong school year, libre na pala ang tuition! Importante talaga sa amin ang edukasyon, kasi kung may pinag-aralan ka, hindi ka rin basta-basta maagrabiyado. Sinasabi ko sa mga anak ko, wala kaming ibang mapapamana kundi iyan lang. Iyan lang na makapagtapos kayo. Simple lang naman ang pangarap ko — makabili ng isang maliit na bahay, at makapagtapos ang mga anak ko. Ngayong libre ang tuition pati miscellaneous, pamasahe na lang talaga ang iintindihin namin, medyo madadagdagan ang maibibili naming pagkain at iba pang gastusin. Gusto kong sabihin sa mga estudyante, ngayon na libre na ang tuition fee, pagbutihin niyo ang pag-aaral. Ipakita niyo sa mga magulang niyo na galit kayo sa kahirapan, na sa pamamagitan ng galit na iyon, mag-aaral kayo nang mabuti at iaangat niyo ang antas ng inyong pamumuhay."

- Nanay Susana Tacasan, Mangingisda, 56 years old, may 4 na anak, Zambales 

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved