Princess Maleniza

“Pang-lima po ako sa pitong magkakapatid, nagtatrabaho bilang kasambahay ang mama ko at construction worker naman ang papa ko noong nabubuhay pa siya. Highschool pa lang ako nagtitinda na po ako sa classroom namin ng mani, popcorn at fish cracker para makatulong sa pang araw-araw na gastusin sa bahay, may sakit na po kasi si papa at hindi na kayang magtrabaho. Dahil sa hirap sa buhay, sinabihan po ako ng nanay ko noong mag 2nd year College na ako na kelangan kong tumigil ng pag-aaral, umiyak po ako kasi gustong-gusto ko po talaga mag-aral. Sabi po ng nanay ko ako daw po ang tumigil at kuya ko ang mag-aaral kasi babae daw po ako, baka magaya lang ako sa mga taga doon sa amin at mabuntis. Tatay ko lang po yung kakampi ko nung panahong iyon, ang sabi po ng tatay ko ako daw yung desididong mag-aral bakit ako yung papatigilin. Para makatulong sa magulang at matustusan ang pag-aaral ko, pumasok po ako bilang tutor dahil hindi na po talaga kami kayang pag-aralin ni mama lalo na nung namatay si papa. Noong nabalitaan ko po mula sa mama ko na magiging libre na raw po ang tuition sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, natuwa po ako kasi laking tulong po nun para sa pamilya ko. Dahil magiging libre na yung tuition at misc. fees sa college, yung nakukuha kong sahod sa pag tutor ko, mabibigay ko na po sa kapatid ko. Naaawa po kasi ako sa kanya dahil tuwing umuuwi siya ng bahay nang tanghali wala siyang makain na lunch, tapos aalis na naman siya sa school para pumasok. Ayoko pong maranasan pa niya yung hirap na naranasan ko. Para sa akin, napaka importante po na makatapos ako ng pag-aaral, hindi lang po para sa akin at sa pamilya ko, pero para din makatulong at hindi ako maging pabigat sa gobyerno. Kung palarin ako at magkaroon ng malaki-laking income, pangarap ko ding magtayo ng negosyo tulad ng convenience store at fastfood.”

- Princess Maleniza, 19 years old, 4th year irregular, BSE Mathematics, Central Bicol State University of Agriculture.

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved