"Hindi naging hadlang sa akin ang kahirapan para mag excel sa klase at tiwala ako na makakatapos ako ng pag-aaral dahil sa pananalig ko sa Panginoon. Pito po kaming magkakapatid pero kinailangan naming maghiwa-walay noong nagkasakit si Papa. Nakitira ako sa Tita ko noong Grade 5 pa lang ako. Siya na po yung nagpapa-aral sa akin kaya bilang pasasalamat tumutulong po ako sa gawaing bahay. Laking pasalamat namin sa Diyos noong nalaman namin na hindi naman malala ang sakit ni Papa kaya kinuha ulit kami nina Mama para magkasama-sama ulit kami kahit sobrang hirap ng buhay namin. Highschool ako noong nag working student ako. Pumasok ako bilang kasambahay at tutor para makatulong sa pamilya at para maitaguyod din ang pag-aaral ko. Kahit nagtatrabaho ako habang nag-aaral, hindi ito naging hadlang sa akin para mapabilang sa Top 10 sa aming klase. One year ako nagtrabaho bilang saleslady para makaipon ng pang kolehiyo, noong medyo sapat na ang naipon ko, nag-enroll po ako agad sa Bulacan State University. Nagpapasalamat po talaga ako sa school namin kasi tinanggap nila ako kahit puro promisory notes lang ako. Kahit sobrang hirap, nananalig po ako sa Panginoon na makakapagtapos ako ng pag-aaral. At kapag nangyari po iyon ako po yung unang makakapagtapos ng kolehiyo sa aming pamilya. Nililibak po kasi ng ibang tao yung pamilya namin, ang tingin kasi sa amin ay mabababang uri lang ng tao. Kaya sabi po sa amin ng Mama namin, magsipagtapos kami ng pag-aaral para hindi kami basta-basta maliitin ng ibang tao. Isa po iyon sa mga rason kaya gusto ko talagang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng degree para mabigyan ng karangalan yung pamilya namin. Noong nabalitaan namin na magiging libre na yung tuition at miscellaneous fees sa sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, tuwang-tuwa kami nina Mama, kasi hindi na siya mahihirapan maghagilap at mangutang ng pera para sa tuition ko. Kaya dalangin ko talaga na magtuloy-tuloy na yung free tuition para hindi lang ako ang makikinabang, kundi pati na rin yung mga kapatid at pamangkin ko. Kapag naka graduate po ako ng kolehiyo, gusto ko pong tulungan yung mga kapatid ko na maipagpatuloy ang pag-aaral nila. Sana rin po maging guro po ako agad at makahanap ng trabaho dahil gusto ko rin pong maiparanas sa mga magulang ko ang maginhawang buhay. "

- Maria Rebecca Ancajas, 21 years old, 3rd year BS Education English, Bulacan State University, Hagonoy Campus

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved