"Noong grade school ako, nagbebenta ako ng Chocnut sa mga kaklase ko para kahit papaano ay kumita ako. Pinakamatanda ako sa anim na magkakapatid. Government employee ang Tatay ko habang ang Nanay ko naman ay nasa bahay lang pero paminsan-minsan ay nananahi rin siya para makatulong sa pag-sustento sa aming magkakapatid. Sa kabila ng kahirapan, sabi ko sa sarili ko, balang araw, may mararating din ako. Nung grumaduate ako ng highschool, kumuha muna ako ng short-term course na Bookkeeping, naging Best Bookkeeper din ako. Habang nagtatrabaho sa umaga, nag-aaral naman ako sa gabi. Pero dumating yung panahon na hindi ko na talaga kaya dahil sa sobrang pagod. Pero naisip ko kailangan ko talagang magtatrabaho para matulungan ang mga kapatid ko na makapagtapos. Noong nakapangasawa na ko, hindi na ko nakapagpatuloy pa ng pag-aaral dahil inasikaso ko na lang yung 2 anak ko at tinulungang makatapos sa kolehiyo ang mga kapatid ko. 15 years akong huminto pero sa haba ng panahon na iyon ay nangangarap pa rin ako na balang araw ay makakatapos rin ako ng kolehiyo. Pagka graduate ng ng mga kapatid ko, sila naman ang nag udyok sa akin na ipagpatuloy ang pag-aaral ko. 38 years old na ako noong nakatapos ng kolehiyo sa Bulacan State University at nagkamit din ako ng Student Leadership Award. Pinalad din ako na makapasok agad bilang guro sa BSU, pero habang nagtuturo ay kumukuha pa rin ako ng masterals. Ang advice ko sa lang sa mga estudyante - nararamdaman ko kung ano ang mga nararamdaman ninyo, yung hirap na gusto ninyong makatapos ng pag-aaral. Sinasabi ko sa mga estudyante ko, konting tiis na lang. Natutuwa rin ako na magiging libre na ang tuition fee na sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, kaya mag-aral kayong mabuti dahil ang edukasyon ay isang sandatang kailanman ay na hindi mananakaw sa inyo."

- Fely Eleago, Dean, Bulacan State University, Hagonoy Campus

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved