"Bunso po ako sa apat na magkakapatid, lahat ng kapatid ko ay may kanya-kanya nang pamilya. Sa kasalukuyan, ang tatay ko ay nasa bahay lang dahil siya ay na-stroke noong 13 years old pa lang ako. Mula noon, si mama na ang nagtatrabaho para matustusan ang mga pangangailangan namin. Nung 15 years old ako, pinag-aral ako ng vocational course ng lola ko. Tumulong din sa pag-aaral ko yung isang anak niya na OFW. Bilang kapalit, inaalagaan ko po ang lola ko dahil sa sakit niyang cancer. Kahit mahirap dahil malayo ako sa pamilya ko, pinilit kong kayanin para lang matapos ko ang kurso ko. 17 years old ako nung nag-apply ako ng trabaho sa Jollibee sa Laguna para magkaroon ako ng income, kakatapos ko pa lang mula sa 2-year course ko noon. 11 months ako nagtrabaho bilang cashier at host sa Jollibee. May mga katrabaho ako na working student, kaya sabi ko sa sarili ko, ako rin, mag-aaral rin ako, kahit hindi ako sigurado kung kakasya pa yung sahod ko sa pang-tuition. After 3 years, pinauwi na ako ng nanay ko sa Bulacan. Sabi ko sa Mama ko, kapag umuwi ako, gusto kong mag-aral, kasi gusto ko talaga maging degree holder. Sinabi ko magiging working student ako para hindi siya mahirapan. Pumapasok ako sa Bulacan State University habang nagtatrabaho sa Jollibee, Malolos. May nag-alok sa akin ng tulong para magkaroon ako ng scholarship talagang nakatulong nang malaki para siguradong makapagtapos ako ng pag-aaral. Mula 1st year hanggang ngayong 4th year na ko, ay working student pa rin ako. Kahit mahirap, masasabi ko pa ring swerte ako kasi isa ako sa nakaranas ng ganitong buhay. Mahirap pero ito yung way ng Panginoon na patatagin ako. Maraming beses ko na naitanong kay Lord kung bakit kailangan kong makaranas ng ganitong klaseng pagsubok- pero eto ako, pinipilit ko, nagtatiyaga ako, sinisikap kong makatapos para magbunga ng maganda ang lahat ng pinaghihirapan ko ngayon. Kaya ngayong graduating na ko, excited na excited na ko na mai-display sa bahay namin yung magiging diploma ko, kasi ako lang sa aming magkakapatid yung kauna-unahang makakagraduate sa kolehiyo. Dahil sa ipapatupad na free tuition sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo, marami nang kagaya naming gustong makapagtapos ng pag-aaral, na walang kakayahang magbayad ng malaking tuition at miscellaneous fee, ang matutulungan na magkaroon ng siguradong magandang kinabukasan. Para sa mga kapwa kong estudyante, sana wag niyong sayangin ang pagkakataong ito na mag-aral nang libre. Mag-aral kayo nang mabuti, wag niyong bale-walain ang paghihirap ng mga taong tumutulong sa inyo para lang makapagtapos kayo ng pag-aaral. Pahalagahan niyo yung mga bagay na meron kayo ngayon, at sana maging inspirasyon ang bawat kwento namin sa inyo."

- Ana Katrina Delos Santos, 21 years old, BS Hospitality Management, 4th year, Bulacan State University, Hagonoy Campus

© 2017 Office of Sen. Bam Aquino. All Rights Reserved